Sunday, May 15, 2022

Konsepto ng Kakapusan at Kakulangan

INTRODUKSYON

Ang ekonomiya ay isang dinamiko at parating nagbabagong mekanismo. Ang mga pinagkukunang-yaman na ginagamit sa pagbuo ng kalakal at paglilingkod ay limitado.

Samantala, ang mga kagustuhan at pangangailangan ng tao ay tila walang hangganan. Bunga ng di-balanseng ugnayan na ito ang kakapusan. 

Sa araling ito ay bibigyan ng pokus ang mga dahilan ng kakapusan at kakulangan gayundin lahat ng mga impormasyon na mayroong kinlaman sa paksang ito.

KAKAPUSAN/SCARCITY

  • Tumutukoy sa isang sitwasyon kung saan limitado o hindi sapat ang mga pinagkukunang- yaman upang matugunan ang walang hanggang pangangailangan at kagustuhan ng tao. 
  • Halimbawa nito ay ang kakapusan ng mga yamang mineral, yamang enerhiya, yamang dagat at marami pang iba.
  • Ang kakapusan ay nangyayari sa mas mahabang panahon at kadalasan ay mahirap para sa isang estado na solusyunan sa kadahilanang naabot na ang limitasyon ng pinagkukunang yaman.

DALAWANG URI NG KAKAPUSAN

Absolute Scarcity 

  • Absolute ang kakapusan kapag nahihirapan ang kalikasan at tao na paramihin at pag-ibayuhin ang kapakinabangan ng pinagkukunang- yaman. 
  • Ito ay dahil non-renewable ang pinagkukunang-yaman.
  • Halimbawa ng absolute scarcity ay ang oras/time. 
    • Limitado ang ating oras sa paggawa ng lahat ng mga bagay na ating ninanais sa araw araw. 
    • Kinakailangan ang matalinong pagpapasya kung ano ang mga dapat unahin at kailangang bigyan ng halaga. 

Relative Scarcity 

  • Relative ang kakapusan kapag ang pinagkukunang-yaman ay hindi makaagapay sa walang hanggang pangangailangan at kagustuhan ng tao.
  • Nangyayari ito sa isang partikular na sitwasyon o kaganapan sa isang takdang panahon lamang. 
  • Halimbawa nagkaroon ng kalamidad gaya ng bagyo na nagdulot ng malawakang pinsala sa mga agrikultural na pananim/produkto at pagkasira ng mga ari-arian.
    • Sa sitwasyong ito magkakaroon ng kakapusan sa paraan/aspetong relatibo dahil wala ng makuhang mga pagkain para sa pangangailangan ng bawat indibidwal.
    • Ito ay isang partikular na kaganapan sa isang partikular na lugar sa partikular din na panahon.

ANG KAKAPUSAN AY UMIIRAL SA DALAWANG KALAGAYAN 

Pisikal na kalagayan

  • Tumutukoy sa limitadong pinagkukunang-yaman.
  • Kabilang dito ang ating mga yamang hindi napapalitan gaya ng yamang mineral. Ang mga ito ay mayroong hangganan at hindi na maaaring palitan.

Kalagayang Pangkaisipan 

  • Tumutukoy naman sa walang hanggang pangangailangan at kagustuhan ng tao
  • Ang hindi pagkakuntento ng mga tao ang siyang malaking hamon upang maibsan ang suliranin sa kakapusan at kakulangan. 
    • Maging responsable sana tayo sa paggamit ng likas na yaman gayundin ang pagbili ng mga produkto at serbisyo. 
    • Gamitin lamang at kunin kung ano ang kailangan at sapat lamang sa ating pangangailangan sa araw-araw.
    • Huwag din sana nating sayangin at sirain ang ating mga likas na yaman.

MGA PALATANDAAN NG KAKAPUSAN

Sa Yamang Likas

  • Pagkasira at pagkaubos ng mga hayop, halaman, at mga bagay na walang buhay

Sa Yamang Tao 

  • Pangunahing indikasyon ng kakapusan ay ang haba ng buhay ng tao.

Sa Yamang Kapital 

  • Hindi maingat na paggamit sa kapital, maaaring magkulang sa maintenance ang isang makina.

KAKAPUSAN AT KADAHILANAN NITO:

  • Maaksayang paggamit ng pinagkukunang- yaman
  • Non-renewability ng ilang pinagkukunang- yaman
  • Kawalang-hanggan ng pangangailangan at kagustuhan ng tao
  • Mabilis na paglaki ng populasyon

EPEKTO NG KAKAPUSAN

  • Malnutrisyon, Tuberculosis
  • Mababang antas ng edukasyon
  • Paglaganap ng krimen
  • Patuloy na alitan ng mayaman at mahirap, kapitalista at manggagawa
  • Mabagal na pag-unlad

Kakulangan (shortage) 

  • Isang kaganapan kung saan hindi kayang mapunan ng dami ng malilikhang produkto ang dami ng planong pagkonsumo. 
  • Halimbawa nito ay ang kakulangan ng suplay ng karne ng baboy, manok at iba pang mga pangunahing produkto sa pamilihan.
  • Nagaganap ang kakulangan minsan dahil sa gawain din ng tao o ng mga prodyuser.
  • Ang kakulangan ay nangyayari ng panandalian lamang/short period of time.

Hoarding 

  • Pagtatago ng mga prodyuser ng mga pangunahing produkto sa pamilihan upang magkaroon sila ng malaking kita. 
  • Ang aksiyong ito ng mga nagtitinda at prodyuser ang siyang dahilan ng pagkakaroon ng kakulangan ng mga suplay ng produkto sa merkado.

Kartel 

  • Samahan o grupo ng mga negosyante na kumokontrol sa suplay ng produkto sa pamilihan. 
  • Layunin ng samahang ito na kumita ng malaki kung kaya’t ang mga presyo ng mga produkto sa pamilihan ay patuloy na tumataas.
  • Ang kakapusan at kakulangang nararanasan ng bawat indibidwal ang siyang naguudyok sa kaniya na magkaroon ng pumili at maging matalino sa pagpapasiya.
  •  Sa bawat pagpapasyang gagawin ay mayroong kailangang bitawan upang bigyang pansin ang mas makabuluhang bagay. 
    • Ang konseptong ito ay tinatawag na opportunity cost.
    • Dahil sa kakapusan, kailangan ng tao ang wastong pagpili sa mga bagay na nais niyang bilhin. 
    • Nagkakaroon ng opportunity cost sapagkat may kakapusan ang pinagkukunang- yaman. 
  • Ang kakapusan ay nagiging isang panlipunang suliranin kapag hindi nakakamit ng tao ang kanyang layunin. Upang maging responsable ang tao sa kanyang pagdedesisyon, kailangan niyang mabatid ang opportunity cost ng kanyang mga desisyon.

Tandaan

  • Pangunahing suliraning pangkabuhayan ang kakapusan ng mga pinagkukunang-yaman kaya limitado ang produksyon.
  • Magkaiba ang konsepto ng kakapusan at kakulangan. Isang permanenteng kaganapan ang kakapusan samantalang panandalian lamang ang kakulangan.
  • Ang hindi pantay na distribusyon ng populasyon ang nakapagpapabigat sa suliranin ng kakapusan.
  • Kahirapan ang nangungunang epekto ng kakapusan
  • Hindi lamang suliraning pangkabuhayan ang kakapusan kundi panlipunan din dahil sa epekto nito sa lipunan.

 

No comments:

Post a Comment

Ekonomista

Introduction and Road Map Mind, ideas, and information are essential for a brighter future. The intellectual economy is recognized as the pi...