Tuesday, May 17, 2022

ESTRUKTURA NG PAMILIHAN

Introduksyon

Ang pagtugon sa walang hanggang pangangailangan ng tao ang isa sa mahahalagang konsepto na binibigyang diin sa pag-aaral ng ekonomiks. Ang bawat indibidwal ay may kanya kanyang pangangailangan at kagustuhan subalit hindi lahat ay may kakayahan na magprodyus upang matugunan ang mga ito. Kung kaya’t ang ugnayan ng prodyuser at konsyumer ay lubhang mahalaga para sa kapakinabangan ng lahat.

Sa nakaraang mga aralin, natalakay natin ang ugnayan ng demand at supply na kumakatawan sa konsyumer at prodyuser. Subalit, sa anong mekanismo o paraan ba ng ekonomiya madaling malaman kung may sapat bang mga produkto o serbisyo na siyang tutugon sa walang katapusang pangangailangan at kagustuhan ng tao? Sa ganitong aspekto papasok ang papel na ginagampanan ng PAMILIHAN. 

Kung kaya’t ang pangunahing bibigyan ng diin sa araling ito ay ang konsepto ng pamilihan at ang mga estruktura nito bilang isang mahalagang salik sa pagtugon ng pangangailangan  at kagustuhan tungo sa pagtamo ng pambansang kaunlaran.

            Sa iyong pagtahak sa landas ng kaalaman sa araling ito, ikaw ay haharap sa mga teksto at mapanghamong gawain na sadyang pupukaw ng iyong interes at magdaragdag sa iyong kaalaman. 

 Sa pagtatapos ng araling ito, inaasahang ikaw ay makapagpapaliwanag ng katangian ng pamilihan at mailalarawan at makapagsusuri ng mga katangian ng iba’t ibang sistema o estruktura ng pamilihan na tumutugon sa maraming pangangailangan ng mga tao.

Ang pamilihan ay mayronng malaking papel sa buhay ng prodyuser at konsyumer. Ito ang nagsisilbing lugar kung saan nakakamit ng isang konsyumer ang sagot sa marami niyang pangangailangan at kagustuhan sa pamamagitan ng mga produkto at serbisyong handa at kaya niyang ikonsumo. 

Sa kabilang dako, ang mga prodyuser ang siyang nagkakaloob ng mga serbisyo at produkto upang ikonsumo ng mga tao. Sa pamilihan itinatakda kung anong produkto at serbisyo ang gagawin at kung gaano ito karami. May dalawang pangunahing tauhan sa pamilihan ang konsyumer at prodyuser.

Ang konsyumer ang bumibili ng mga produktong gawa ng mga prodyuser samantalang ang prodyuser naman ang gumagawa ng mga produktong kailangan ng mga konsyumer sa pamamagitan ng mga salik ng produksiyon na pagmamay-ari ng mga konsyumer. Ipinaliliwanag ang konseptong ito sa paikot na daloy na ekonomiya sa pamamagitan ng iba't ibang modelo.

 Kaugnay nito, ayon sa 6th Principle of Economics ni Gregory Mankiw, “Markets are usually a good way to organize economic activity”. Ito ay ipinaliwanag ni Adam Smith sa kaniyang aklat na An Inquiry into the Nature and Causes of Wealth of Nations (1776). 

May tinawag na invisible hand si Adam Smith na ang ugnayan ng konsyumer at prodyuser ay malayang  naisasaayos sa pamilihan. Ito ay siyang gumagabay sa ugnayan ng konsyumer at prodyuser sa pamilihan. Ang gabay na ito ay ang “presyo”, na instrumento upang maging ganap ang palitan sa pagitan ng konsyumer at prodyuser.

 Mahalaga ang papel na ginagampanan ng presyo sa  pamilihan sapagkat ito ang nagtatakda sa dami ng handa at kayang bilhin na produkto at serbisyo ng mga konsyumer. Presyo rin ang siyang batayan ng prodyuser ng kanilang kahandaan at kakayahan nilang magbenta ng takdang dami ng mga produkto at serbisyo. Kung kaya’t ang pamilihan ang siyang pinakaepektibong paraan na nagpapakita ng ugnayan ng demand at supply. 

Sa pagkakaroon ng mataas na demand ng mga konsyumer, nagiging dahilan ito sa pagtaas ng presyo. Ito ay nagbubunga ng lalong pagtaas sa pagnanais ng prodyuser na magdagdag ng mas maraming supply (law of demand and supply).

 Ang pamilihan ay maaaring lokal, panrehiyon, pambansa, o pandaigdigan ang lawak. Ang kilalang sari-sari store na matatagpuan saan mang dako ng ating bansa ay isang magandang halimbawa ng lokal na pamilihan.  Samantalang ang mga produktong abaka ng Bicol, dried fish ng Cebu, Durian ng Davao, Bagoong ng Pangasinan, Bagnet ng Ilocos at iba pang natatanging produkto ng mga lalawigan ay bahagi ng pamilihang panrehiyon. Ang bigas, prutas o produktong petrolyo at langis naman ay bahagi ng pambansa at pandaigdigang pamilihan.

Ang mga nauusong on-line shops sa pamamagitan ng internet gaya ng shoppe, lazada, zalora, alibaba at iba pa ay mga halimbawa ng pamilihang maaaring maging lokal, panrehiyon, pambansa, at pandaigdigan ang saklaw.

Mga Estruktura ng Pamilihan

  • Ang estruktura ng pamilihan ay tumutukoy sa balangkas na umiiral sa sistema ng merkado kung saan ipinapakita ang ugnayan ng konsyumer at prodyuser.
  •  Ito ay nahahati sa dalawang pangunahing balangkas – ang pamilihan na may ganap na kompetisyon (Perfectly Competitive Market (PCM)) at ang pamilihang hindi ganap ang kompetisyon (Imperfectly Competitive Market (ICM)).

Ang dalawang balangkas o uri ng estruktura ng pamilihan ay mayroong kanya kanyang katangian. Mayroon din itong maganda at hindi magandang dulot sa mga prodyuser at konsyumer maging sa ekonomiya ng isang bansa.


MGA KATANGIAN NG GANAP NA KOMPETISYON

  

1. Maraming maliliit na konsyumer at prodyuser 

  • Dahil sa marami at maliliit ang konsyumer at prodyuser, walang kakayahan na maimpluwensiyahan ang presyo na naayon sa interes ng sinuman sa pamilihan. 
  • Kung kaya't ang dalawang aktor ay nakahandang tanggapin ang anumang pagbabago sa presyo. 
  • Price taker ang prodyuser at konsyumer sa estrukturang ito.

2. Magkakatulad ang mga produkto (Homogenous)

  • Ito ay nangangahulugang maraming produkto na magkakatulad kung kaya’t ang konsyumer ay maraming pagpipilian at malaya nitong mabibili ang nais na produkto. Halimbawa, ang repolyo, na galing sa Benguet ay walang pagkakaiba sa repolyo na galing sa Quirino.
  • Sa kabilang dako, mahirap para sa mga prodyuser na taasan ang kanilang presyo dahil kapag ginawa nila ito maaaring bumili o lumipat ang mga konsyumer sa ibang pamilihan/tindahan kung saan ay mas mura ang ibinebentang produkto. 
3. Malayang paggalaw ng sangkap ng produksiyon
  •           Dahil walang direktang may kontrol sa mga salik ng produksiyon, maraming mapagkukunan ng mga sangkap o hilaw na materyales para makabuo ng mga produkto. 
  • Bunga nito, maraming produkto ang nagkakatulad na maaaring ipagbili sa pamilihan.

4. Malayang pagpasok at paglabas sa industriya

  • Ang pamilihan partikular na ang sistema ng pagnenegosyo ay bukas sa lahat ng may kapasidad.  
  • Malaya silang makapagpatayo ng kanilang negosyo ng naayon sa mga patakaran at polisiya ng pamahalaan.
  • Walang kakayahan ang mga dating prodyuser na hadlangan o pagbawalan ang lahat ng maliliit na negosyante na nais pumasok sa pamilihan.
  •  Ito ay nakatutulong upang paigtingin ang kompetisyon sa pamilihan na nagdudulot para siguraduhin ng mga prodyuser na ang kanilang produkto ay dekalidad at tama ang presyo upang tangkilin ng mga konsyumer.
5. Malaya ang Impormasyon ukol sa pamilihan 

 Dahil ang sistema ay malaya, ang pagdaloy ng impormasyon lalo na sa pagtatakda ng presyo at dami ay bukas para sa kaalaman ng lahat. 

Malayang makagagawa at makapagbebenta ang isang prodyuser sa pamilihan. Gayundin, ang mga konsyumer ay malaya kung bibili o hindi bibili ng mga produkto at serbisyo sa pamilihan. 

Pamilihang May Hindi Ganap na Kompetisyon

Tinatawag na pamilihang may hindi ganap na kompetisyon kung may kakayahan ang prodyuser na kontrolin ang presyo sa pamilihan.

 Ang sumusunod na anyo ang bumubuo sa pamilihang may hindi-ganap na kompetisyon.  

 

1. Monopolyo    

                                                      

  • Ito ay ang uri ng pamilihan na iisa lamang ang prodyuser na gumagawa ng produkto at nagbibigay serbisyo kung kaya’t walang pamalit o kahalili. Dahil dito siya ay may kakayahang impluwensiyahan ang pagtatakda ng presyo sa pamilihan. 
  • Sa ganitong kadahilanan, ang mga konsyumer ay napipilitang tanggapin na lamang ang pagiging makapangyarihan ng mga monopolista
  • Ang mga halimbawa ng mga prodyuser na nasa ganitong uri ay ang mga kompanya ng koryente sa aspekto ng transmission, tubig, at tren. 
Ang mga pangunahing katangian ng monopolyo ay ang sumusunod:

a. Iisa ang nagtitinda 

 

    Dahil iisa ang nagbebenta, ang presyo at dami ng supply ay  

idinidikta, batay sa tinatawag na profit maximum rule 

pagnanais  ng prodyuser na makakuha ng malaking kita. 


b. Produkto na walang kapalit


    Ang mga produkto ay walang kahalintulad kaya nakokontrol

ang presyo at dami ng supply. 


c. Kakayahang hadlangan ang kalaban


    Dahil sa mga patent, copyright, at trademark gamit ang   

Intellectual Property Rights, hindi makapasok ang ibang nais na 

maging bahagi ng industriya na kaparehas sa hanay ng produkto at  

serbisyong nililikha ng mga monopolista.

           Ang copyright ay isang uri ng intellectual property right na tumutukoy sa karapatang pagmamay-ari ng isang tao na maaaring kabilang ang mga akdang pampanitikan (literary works) o akdang pansining (artistic works). 

Kabilang din dito ang mga gawa gaya ng aklat, musika, paintings, iskultura, pelikula, computer programs, databases, advertisements, maps, at technical drawings.

Samantala, ang patent naman ay pumoprotekta sa mga imbentor at kanilang mga imbensyon. 

Ito ay ipinagkakaloob ng gobyerno sa isang imbentor upang mapagbawalan ang iba na gawin, gamitin, ibenta, iangkat, at iluwas ang imbensiyon niya kapalit ng pagsisiwalat sa publiko ng mga detalye ng kaniyang imbensiyon. 

Ang impormasyong ito ay maaaring gamitin sa hinaharap para magkaroon ng inobasyon at pag-unlad.

Ang trademark naman ay ang paglalagay ng mga simbolo o marka sa mga produkto at serbisyo na siyang nagsisilbing  pagkakakilanlan ng kompanyang may gawa o nagmamay-ari nito.

            Sa kabilang banda, mayroon din tayong mga prodyuser na kabilang sa tinatawag nating natural monopoly o iyong mga kompanyang binibigyang karapatan na magkaloob ng serbisyo sa mga mamamayan. 

Ito ay dahil sa kaya nilang gawin ang mga produkto at serbisyo sa mas mababang gastos kaysa sa kumuha pa ng mas maraming kompanya.

2. Monopsonyo 

  • Sa ganitong uri ng pamilihan, mayroon lamang iisang konsyumer ngunit maraming prodyuser ng produkto at serbisyo. 
  • Sa ganitong kalagayan, may kapangyarihan ang konsyumer na maimpluwensiyahan ang presyo sa pamilihan.

            Ang mabisang halimbawa ng ganitong anyo ng pamilihan ay ang pamahalaan ang nag-iisang kumukuha ng serbisyo at nagpapasahod sa mga pulis, sundalo, bumbero, traffic enforcer, at iba pa. 

Dahil ang pamahalaan ang nag-iisang kumukuha ng serbisyo ng mga nabanggit na empleyado, ito ay may direktang kapangyarihan sa pagtatakda ng halaga ng pasahod sa mga ito.

3. Oligopolyo

  • Ito ay isang uri ng estruktura ng pamilihan na may maliit na bilang o iilan lamang na prodyuser ang nagbebenta ng magkakatulad o magkakaugnay na produkto at serbisyo. 
  • Sa ganitong uri ng pamilihan, may kakayahan ang prodyuser na maimpluwensiyahan o madiktahan ang presyo na umiiral sa pamilihan.
  •  Ilan sa mga halimbawa ng ganitong uri ng produkto sa pamilihan ay ang semento, bakal, ginto, at petrolyo. 
  • Maaari din nilang gawin ang hoarding o ang pagtatago ng produkto upang magkulang ang supply sa pamilihan na magdudulot ng pagtaas ng pangkalahatang presyo.

Sa ganitong sistema, maaaring magkaroon ng pagkontrol o sabwatan ang mga negosyante na tinatawag na collusion.

Ito ay nagaganap partikular na sa presyo sa ilalim ng kartel o samahan ng mga oligopolista. Ang konsepto ng kartel ay nangangahulugang pagkakaroon ng alliances of enterprises.

    Hindi pinahihintulutan ang pagkakaroon ng kartel sa ating bansa upang mabigyan ng proteksiyon at isulong ang kapakanan ng mga konsyumer ayon sa itinatakda ng Consumers Act of the Philippines o Republic Act 9374 na isinabatas noong Abril 23, 2011.

Sa kaniyang aklat naAn Inquiry into the Nature and Causes of the Wealth of Nations” (1776), si Adam Smith ay nagpahayag ng kaniyang pananaw tungkol sa katotohanan ng pagkakaroon ng kartel. Ito ay ang sumusunod:

“People of the same trade seldom meet together, even for merriment and diversion,

but the conversation ends in a conspiracy against the public, or in some contrivance to raise prices. It is impossible indeed to prevent such meetings, by any law which either could be executed, or would be consistent with liberty and justice.”

—Adam Smith, The Wealth of Nations, 1776

 

Ayon kay Adam Smith, ang mga negosyante ay hindi aktuwal na nagkikita upang pag-usapan ang takbo ng kanilang mga negosyo subalit sila ay nagkakaroon ng pagkakaunawaaan sa pamamagitan ng sabwatan sa pagtatakda ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa pamilihan.

Ang Organization of Petroleum of Exporting Countries (OPEC) ay isang halimbawa ng pandaigdigang kartel sapagkat sila ang nagtatakda ng supply at presyo ng produktong petrolyo sa buong daigdig. Ang samahang ito ay naitatag noong September 10-14, 1960 sa ginanap na Baghdad Conference sa Baghdad, Iraq.

Ito ay pinasimulan ng five founding countries na binubuo ng Iran, Iraq, Kuwait, Saudi Arabia, at Venezuela. Sa kasalukuyan, mayroon itong kabuuang 12 bansang kasapi United Arab Emirates (UAE), bukod sa unang limang bansang nagtatag na kinabibilangan ng Algeria, Angola, Ecuador, Libya, Nigeria, Qatar at marami pang iba.

4. Monopolistic Competition 

  • Sa ilalim ng ganitong uri ng estruktura ng pamilihan, maraming kalahok na prodyuser ang nagbebenta ng mga produkto sa pamilihan subalit marami rin ang mga konsyumer.
  •  Gayunpaman, may kapangyarihan pa rin sa pamilihan ang mga prodyuser na magtakda ng presyo ng kanilang mga produkto. Dahil sa product differentiation, ang katangian ng mga produkto na ipinagbibili ay magkakapareho ngunit hindi eksaktong magkakahawig. 
  • Ang kanilang pagkakapareho ay maaaring sa uri ng produkto gaya ng shampoo, sabon, o toothpaste.

Sila ay nagkakaiba-iba sa packaging, labeling, presentasyon, at maging sa lasa o flavor. Ginagawa ito ng mga prodyuser sapagkat ang kanilang layunin sa product differentiation ay kumita at mas makilala ang kanilang mga produkto.

 Layunin din ng mga prodyuser na maitaas ang antas ng kasiyahan ng konsyumer. Ang advertisement o pag-aanunsiyo ay isang mabisang pamamaraan na ginagamit ng mga prodyuser upang maipakilala ang kanilang mga produkto at serbisyo.

Ang mga halimbawa ng mga produkto at serbisyong ipinagkakaloob sa pamilihang may monopolistic competition ay ang mga sabong panlaba at pampaligo, toothpaste, pabango, fabric conditioner, cellphone, softdrinks, appliances, fastfood restaurant, serbisyo ng mga ospital, hair salon, beauty & cosmetics product, at marami pang iba. (Balitao, 2012).



 



No comments:

Post a Comment

Ekonomista

Introduction and Road Map Mind, ideas, and information are essential for a brighter future. The intellectual economy is recognized as the pi...